Phil Army at Lacub, Abra nagkaisa laban sa COVID-19

    Fort Ramon Magsaysay, Nueva Ecija – Sa pamumuno ng Alkalde ng Lacub, Abra na si Hon. Nestor B. Bersamina, nagtulong-tulong ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno, kapulisan, kasundaluhan at lokal na pamahalaan ng Lacub sa pagsasagawa ng mga hakbang para labanan ang COVID-19.
    Isa sa mga hakbang na napagkasunduan ng mga nasabing ahensya ay ang paggawa ng Lugar na Paghihiwalayan o “Isolation Area” para sa mga mamamayan na tinatawag nilang mga taong suspect, at probable carriers ng Covid19.
    Dagdag pa nito, nagsagawa ng repacking ng mga relief goods na naglalaman ng bigas, mga de-latang pang-ulam, noodles at mga toiletries tulad ng sabon, toothpaste at shampoo bilang karagdagang ayuda para sa mga pamilyang apektado ng krisis na ito.
    Katuwang ng lokal ng pamahalaan ng Lacub ang Charlie Company ng 24th Infantry “Wildcat” Battalion (24IB) upang mapabilis at agarang maisakapatuparan ang nasabing proyekto.
    Ayon kay Mayor Bersamina, ang ginawang pagtulong ng kasundaluhan at kapulisan sa paggawa ng isolation area at repacking ng mga relief goods ay “napakalaking ambag para sa mamamayan ng Lacub” lalo na sa panahon ng kagipitan dahil sa krisis sanhi ng COVID-19.
    Dagdag naman ni Lieutenant Colonel Ulysis V. Laude, pinuno ng 24IB, “Kami, ang inyong kasundaluhan, ay palaging handing maglingkod, maging sa panahon ng kaguluhan o kapayapaan.”
    Samantala, nagbigay ng panawagan ang Commander ng 7th Infantry “Kaugnay” Division na si Brigadier General Alfredo V. Rosario, Jr. na sana ay magtulong-tulong ang lahat ng may kakayahan upang matugunan ang pangangailangan ng mga mamayan. “Hindi natin dapat iasa lamang sa gobyerno ang lahat ng pangangailang ng mga tao sa mga lugar na ating nasasakupan; bawat isa sa atin ay may tungkuling tumugon sa pagtulong sa panahon ng malawakang krisis. Sana ay nauunawaan ito ng mga higit na nasa mabuting kalagayan. Kami, ang inyong Philippine Army, ay narito lamang upang tulungan kayong dalhin at iabot sa mga kinuukulan ang mga bagay na kaya ninyong itulong sa inyong kapwa.”

    © 2018 Philippine Army. All Rights Reserved. Designed By AC of S for C4S, G6, 7ID and 7TH SIGNAL BATTALION, ASR, PA